MATAPOS dakpin ng Quezon City Police District sa bisa ng isang mandamiento de arresto, nanindigan ang premyadong aktor na si Ricardo Cepeda na wala siyang kinalaman sa paratang na estafa.
“Modelo lang ako ng kompanya at wala akong kinalaman sa kaso,” depensa ni Cepeda (Richard Go sa tunay na buhay) kaugnay ng kasong syndicated estafa na nakasaad sa warrant of arrest na inilabas ng Cagayan Regional Trial Court bunsod ng inihaing reklamo ng mahigit 40 indibidwal na di umano’y naloko.
“I was shocked because I wasn’t aware na umabot sa may warrants ako. I had heard na may mga scandal, hindi ko alam na sinama nila ako,” anang aktor isang panayam sa telebisyon.
Aniya pa, hindi siya konektado bilang kasosyo, opisyal o empleyado ng inirereklamong kumpanya sa likod ng mga energy-saving gadgets.
“I am not connected at all sa company, even sa business registration my name is not there. Wala ako sa running business, anything of the company. Model lang ako about the products,” dagdag pa ng 58-anyos na aktor.
Nahaharap si Cepeda sa patong-patong na kaso kabilang ang 23 counts ng kasong syndicated estafa, mga paglabag sa Anti-Bouncing Checks Act at Securities Regulation Code.
Samantala, itinanggi ni dating beauty queen Marina Benipayo na sangkot sa investment scam ang kanyang asawa.