TUMATAGINTING na P4,000 multa ang ikinasa ng Metro Manila Council (MMC) para sa mga tinaguriang pasaway na kung saan-saan lang sa kabisera nagpaparada ng sasakyan.
Sa isang kalatas, partikular na tinukoy ni San Juan City Mayor Francis Zamora na tumatayong MMC president, ang mga sasakyang ilegal na pinaparada sa mga kalsadang idineklarang Mabuhay Lane.
“Tinaasan na po ang multa ng illegal parking sa P4,000. Dapat itong magsilbing deterrent sa mga nagdo-double park o nagpa-park sa mga lugar na hindi dapat paradahan,” wika ni Zamora.
Kabilang rin sa mga tinalakay ng 17 alkalde sa Metro Manila ang pagsasagawa ng mga roadworks at road repair sa gabi para hindi makadagdag sa problema ng mabigat na daloy ng trapiko sa National Capital Region.
“‘Yung mga road repair pwedeng gawin sa gabi at hindi during day time. Alam naman po natin ang peak hours sa mga kalye. Less ang traffic sa gabi at walang matinding init na nagpapahirap sa mga manggagawa.”
