
Ni Lily Reyes
CAMP Bagong Diwa – Sa pagpapalawig ng mga aktibidad sa ilalim ng Revitalized Pulis sa Barangay (R-PSB), pinangunahan ni National Capital Region Police Office Regional Director, PMGEN EDGAR ALAN O OKUBO, ang programa upang matulungan ang ilan nating mga kababayan na magkaroon ng katibayan ng kapanganakan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng “mass baptism ceremony” na ginanap nitong June 18, 2023 sa St. Joseph Chapel, Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City.
Tatlumpu’t dalawang indibidwal na nagmula sa Barangay 128, Upper Smokey Mountain, Balut, Tondo Manila ang nabinyagan.
Bago pa man ang nasabing aktibidad, ay may 150 indibidwal na ang naunang nakinabang sa kahalintulad na binyagang-bayan na nagmula naman sa Barangay 125 at Barangay 138, Tondo, Manila.
Sa kabuuan ay umabot na 182 indibidwal ang nabinyagan sa tulong ng NCRPO R-PSB Program.
Ayon kay PMGEN OKUBO, sa pamamagitan ng patuloy na pagsusumikap ng mga nakatalagang R-PSB operatives sa iba’t ibang barangay sa Kamaynilaan ay nagagawa nilang higit na matukoy ang pangangailangan ng mga mamamayan na siya namang tutugunan ng agarang pansin.
“Layunin ng gawaing ito na matulungan ang ating mga kababayan na makatanggap ng katibayan ng kapanganakan bilang isa sa mga pangunahing kasulatan ng pagkakakilanlan na kinakailangan sa pag-aaral, paghahanap ng trabaho, pagtanggap ng mga benepisyong nagmumula sa ating pamahalaan, at iba pang mga serbisyong maaaring mangailangan nito,” dagdag ni PMGEN OKUBO.