KASUNOD ng patutsada ng Commission on Elections (Comelec) laban sa anila’y nagkalat na pangalan at mukha ng mga kandidato para sa nalalapit na halalan, umarangkada naman ang oplan-baklas sa Quezon City.
Partikular na sinuyod ng Public Order and Safety Division at Traffic and Transport Management Office ng lokal na pamahalaan ng Quezon City ang kahabaan ng CP Garcia, Katipunan Avenue, Xavierville, East Avenue, Tomas Morato, Kamuning, Timog, Anonas, at E. Rodriguez Avenue.
Sa isinagawang operasyon, tuluyang binaklas ang mga tarpaulin, streamers at posters ng mga kandidato (local at national) na kalahok sa halalan sa Mayo.
Paalala ng lokal na pamahalaan, mahigpit na pinagbabawal ang pagkakabit ng election materials sa mga poste ng kuryente, pampublikong lugar at pasilidad tulad ng street signs, traffic lights, signal posts, tulay, at mga overpass sa lungsod.
Ayon sa Quezon City government, tuloy-tuloy ang isasagawang operasyon hanggang sa pagpasok ng campaign period. (Lily Reyes)
