KINALAMPAG kahapon ng kampo ni former President Rodrigo Duterte ang Korte Suprema para hilingin ang agarang tugon sa nakabinbin resolusyon sa legalidad ng “pagdukot” sa dating pangulo.
Paliwanag ng grupong Sara All Confederation, batid naman anila ang nangyayari ngayon sa bansa, kasabay ng giit na hindi pag-aresto ang naganap noong Marso ng nakalipas na taon.
Anila, kinidnap at isinuko sa dayuhang bansa si Duterte nang hindi man lang dumaan sa alinman sa mga husgado sa Pilipinas.
Giit ng mga lumahok sa kilos-protesta, pabalikin sa bansa ang dating pangulo lalo na’t sa kanilang pananaw hindi tama ang ginawang ng administrasyong Marcos sa isang Pilipinong nagsilbi sa bansa bilang Pangulo.
Kasabay ng kilos-protesta, isinumite ng grupo ang isang bungkos ng dokumento — ang “Tay, Kami Naman” signature campaign kung saan mahigit isang milyong pirma ang umano’y nakalap para kumbinsihin ang Korte Suprema magdesisyon sa nakabinbin kaso kaugnay ng pag-aresto kay Duterte.
Naniniwala si Wendell Martin, convenor ng grupo na ang desisyon ng Korte Suprema ang huling pag-asa ng mga taga-suporta ng mga Duterte.
Ang hakbang ay kasunod ng nakatakdang pagsisimula ng confirmation of charges hearing laban sa dating pangulo sa International Criminal Court (ICC) para sa kasong crimes against humanity. (JULIET PACOT)
