SA halip na dumakip ng mga masasamang elemento, isang sarhentong nakatalaga sa Quezon City Police District (QCPD) matapos ma-hulicam na nanulak ng kasabay na motorcycle rider sa kahabaan ng C5 Road sa Pasig City.
Sa viral video na kuha ng rider na si Vincent Cayanes, hagip ng dashcam ang aktwal na pagtulak ng hindi pinangalanang pulis na sakay din ng isang motorsiklo.
Sa lakas na pwersa, tuluyang tumumba ang rider sa kahabaan ng C5 Road malapit sa panulukan ng Lanuza Avenue bandang alas-5:30 ng hapon noong Martes, Mayo 12.
Batay sa salaysay ng biktima, binabagtas umano niya ang C5 Road para sunduin ang kanyang asawa nang makasabay ang nagmamadaling pulis. Nagkaroon umano ng tensyon sa pagitan ng dalawa matapos i-overtake sa kalsada.
“Galing akong work. And then, merong isang pulis na nagmamadali sa traffic. Sobrang traffic ‘yung part na ‘yun. And, like, 5.30 p.m. nagmamadali siya. Busina siya nang busina. Although, nauna naman siya sa akin. Nung pinipilit niya makalusot sa mga ibang rider sa unahan namin, hindi niya nagawang makalusot agad. So ako bilang maliit ‘yung aking sasakyan ko, nakalusot ako. So feeling ko doon nag-trigger ‘yung incident,” aniya.
Agad namang inaresto ng mga elemento muila sa National Capital Region Police Office (NCRPO) ang suspek alas-10 ng umaga noong Miyerkules.
Nasa kustodiya na ng QCPD ang pulis na miyembro ng QCPD Mobile Force Battalion at sumailalim na sa inquest proceedings sa Quezon City Prosecutors’ Office.
Sa isang pahayag, tiniyak ng pamunuan ng QCPD na papatawan ng karampatang kaso at parusa ang naturang pulis sakaling mapatunayan ang pagkakamali.
“Upon the directive of the District Director, the concerned personnel is now under the custody of QCPD and is subject to proper investigation, including the submission of his explanation to ascertain the facts and surrounding circumstances of the incident,” saad sa isang bahagi ng pahayag ng QCPD.
“The QCPD assures the public that the matter is being treated with utmost seriousness and is being investigated in accordance with existing laws, policies, and the organization’s standards of conduct and discipline.”
