SA takot na mapabilang sa mahabang talaan ng mga “napatay matapos manlaban,” nagpasya na lang sumuko sa mga otoridad ang pangunahing suspek sa likod ng pamamaslang sa isang opisyal ng Philippine National Police sa Cebu City kamakailan.
Kasama ang dalawang konsehal, boluntaryong sumuko sa punong himpilan ng Pasig City Police ang hindi pinangalanang suspek na umano’y pumatay Police Captain Joel Hernan Deiparine sa Cebu City.
Bago pa man ang pagsuko, nagdeklara ng “nationwide manhunt” ang PNP laban sa suspek na pinaniniwalaang miyembro ng isang gun-for-hire syndicate.
Kinumpirma na rin ni Pasig City Chief of Police Col. Hendrix Mangaldan ang pagsuko ng suspek na sinamahan pa umano ng dalawang konsehal.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, kasama umano ni Deiparine si Executive Master Sergeant Artchel Tero nang biglang paputukan ng dalawang suspek na sakay ng isang kotse sa Barangay Sudlon sa nasabing lungsod.
Nagtamo ng sugat si Tero na kasalukuyang nagpapagaling sa hindi tinukoy na pagamutan.
Nasa kustodiya na ngayon ng PNP-Criminal Investigation and Detection group ang suspek na agad na binitbit sa Cebu kung saan isinampa ang kaso.
Samantala, hawak na rin ng pulisya ang kapwa niya akusadong nadakip sa hot pursuit operation sa Cebu. (EDWIN MORENO)
