ARESTADO sa ikinasang entrapment operation ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national na nagsasagawa ng medical practice sa Maynila sa kabila pa ng kawalan ng lisensya.
Una nang nagsagawa ng surveillance ang NBI matapos nakatanggap ng impormasyon umano’y panggagamot ng hindi pinangalanang dayuhan sa lungsod ng Maynila.
Pagkatapos ng surveillance, ikinasa ang entrapment operation sa tulong ng isang NBI agent na nagpanggap na pasyente. Sa gitna ng pagsusuri, agad na dinakip ang Chinese national na nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 2382 o Medical Act of 1959.
Samantala, kinumpirma ng Professional Regulation Commission na wala siyang lisensya bilang doktor sa Pilipinas at wala ring espesyal na permit para sa medical practice ang suspek.
