KINALAMPAG ng mga militanteng manggagawa ang US Embassy sa Maynila sa pagdurusa ng sambayanan bunsod ng inilunsad na digmaan sa Middle East.
Partikular na tinukoy ni Jerome Adonis na tumatayong tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno (KMU) ang epekto ng giyera sa presyo ng produktong petrolyo na aniya’y lubhang nagpapahirap sa mga Pilipino.
Panawagan ng mga militanteng manggagawa sa kilos-protesta — itigil ng Estados Unidos ang pag-atake sa Iran, lalo pa’t nalalagay sa peligro ang mga overseas Filipino workers na nakabase sa naturang bansa.
Hindi rin nakalusot sa ngitngit ng mga demonstrador ang anila’y dagdag-pahirap na sistema sa pamahalaan tulad ng oil deregulation law at excise tax na ipinapataw sa mga produktong petrolyo — bukod pa sa implementasyon ng value-added tax.
Sabayan din binatikos ng mga militanteng obrero si Energy Secretary Sharon Garin na imbes anilang gumawa ng paraan para maibsan ang pagdurusa ng sambayanan ay hinimok ang mga ordinaryong Pilipino na “baguhin ang lifestyle.”
Muli rin nilang hiling na itaas sa P1,200 ang arawan sahod ng mga manggagawa lalo na ngayon tumataas halos lahat ng mga pangunahing bilihin.
