
SAMPUNG buwan matapos makaladkad ang pangalan ng bayaw sa usapin ng agri-smuggling, inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Department of Justice (DOJ) na pangunahan ang imbestigasyon hinggil sa aniya’y patuloy na aktibidades ng mga sindikato sa likod ng hoarding, smuggling at price-fixing sa mga agricultural commodities.
Giit ni Marcos, dapat na aniyang tuldukan ang manipulasyong katumbas ng economic sabotage.
“Nagbigay lang ako ng mga tagubilin sa DOJ at NBI na simulan ang imbestigasyon sa hoarding, smuggling (at) price fixing ng mga agricultural commodities. And this is stemming from the hearing that we’ve held in the House, specifically by Congresswoman Stella Quimbo and the findings that they came with,” pahayag ng Pangulo.
Sa isang Memorandum sa Pangulo ni Marikina Rep. Quimbo, na tumatayong chairperson ng House Committee on Agriculture and Food, hayagang sinabi na mayroon sapat na ebidensyang patunay ng pamamayagpag ng kartel ng sibuyas.
Ayon kay Quimbo, tumatakbo sa pamamagitan ng Philippine VIEVA Group of Companies Inc. (PVGCI), ang grupong nakikibahagi sa iba’t ibang aktibidad kabilang ang pagsasaka, pag-aangkat, lokal na kalakalan, bodega, at logistik.
Binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng mga natuklasan na ito bilang sapat na mga batayan upang simulan ang isang pagsisiyasat.
“And that is why we are going to be very, very strict about finding these people and making sure that they are brought to justice,” ani Marcos.
Nakita sa pagdinig ang biglang pagtaas sa presyo ng sibuyas simula noong Hulyo 2022, ay iniuugnay sa kakulangan ng suplay.
Gayunpaman, iba ang sinasabi ng datos na nakalap mula sa Department of Agriculture at Bureau of Plant Industry kung saan lumalabas na bahagya lang ang kakulangan – 7.56% noong 2022 – at hindi dahil sa inflation rate.
Iniulat ni Quimbo na ang tugon ng mga may-ari ng cold storage facility na nagpapahiwatig na sapat ang supply ng mga sibuyas sa panahon ng pagtaas ng presyo kaya sinilip ang posibleng aktibidad ng kartel.
Ang kartel umano ay nakikibahagi sa price fixing sa pamamagitan ng pagmamanipula ng mga stock, at ginagamit ang kontrol sa mga pasilidad ng cold storage.
Sa mga pagdinig, itinanggi ni Lilia/Lea Cruz, na kilala bilang “Reyna ng Sibuyas,” na may kinalaman siya sa pag-aangkat ng sibuyas, at sinabing ang kanyang partisipasyon ay limitado sa trak at pagtulong sa mga magsasaka ng sibuyas.
Si Cruz, ayon kay Quimbo, ang majority stockholder ng PVGCI, na itinatag noong 2012. Ang PVGCI, kasama ang iba pang pangunahing manlalaro sa industriya ng sibuyas, ay idinadawit sa mga operasyon ng kartel, kabilang ang koordinasyon ng stock withdrawals at price-fixing.
Nagprisinta rin si Quimbo ng isang “Onion Matrix” na kinasasangkutan ng ilang kumpanyang nakikibahagi sa pangangalakal at pag-aangkat ng mga sibuyas at iba pang gulay na kumikilos sa pakikipagsabwatan sa mga may-ari ng mga cold storage facility.