
HINDI na nais makatrabaho ng mga perypdistang nakabase sa Kampo Crame ang tumatayong tagapagsalita ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Ang dahilan — kawalan ng respeto sa mga mamamahayag.
Sa kalatas ng PNP Press Corps, nanawagan ang grupo ng mga mamamahayag kay PNP Chief Gen. Benjamin Acorda na palitan si Capt. Michelle Sabino, bilang PNP-ACG spokesperson.
Ayon kay Mar Gabriel na tumatayong presidente ng PNP Press Corps, hayagang inakusahang “biased” ni Sabino si CNN reportet Crissy Dematulac matapos lumabas ang ulat hinggil sa isang operasyon kontra POGO kamakailan.
Para kay Gabriel, hindi angkop ang ginawang panghahamak ni Sabino sa CNN reporter (at maging sa iba pang peryodista) na ang tanging kasalanan lang aniya’y gampanan ang trabaho bilang mamamahayag.
Matapos ang insidente, tinangka pa ng PNP Press Corps ayusin ang gusot subalit sa halip na tumugon, sinabihan ang mga reporters na maghanap na lang sa iba ng impormasyon para sa mga isusulat na balita, kasabay ng banta na tatanggalin sa Viber group si Dematulac.
Kinabukasan, nabatid na gumawa ng bagong Viber group si Sabino — at hindi na kasali ang mga miyembro ng PNP Press Corps.
Hirit ng grupo kay Acorda, palitan si Sabino ng isang kwalipikado at propesyonal na opisyal na nagtataguyod ng magandang relasyon sa pagitan ng PNP at media.