KUNG sinsero ang pamahalaan isulong ang tunay kapayapaan at seguridad sa Mindanao, higit na angkop na disarmahan na muna ng Department of National Defense (DND) at Department of Interior and Local Government (DILG) ang Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Governors Caucus, isang kumpletong decommissioning ang pinakamabisang panimula upang makamit ang pangarap na kaayusan at kapayapaan sa gawing katimugan ng bansa.
Panawagan ng mga punong lalawigan kay Defense Secretary Gilberto Teodoro at Interior Secretary Benhur Abalos, ikonsidera ang kanilang posisyon at rekomendasyon na may layuning isulong ang kapayapaan at seguridad sa BARMM kaugnay ng gaganaping eleksyon sa October 2023 at May 2025.
Kabilang sa mga lumagda sa manifesto sina Gov. Mamintal Alonto Adion Jr. ng Lanao Del Sur, Gov. Bai Mariam Sangki-Mangudadatu ng Maguindanao Del Sur, Gov. Abdusakur M. Tan ng Sulu, Gov. Hadjiman S. Hataman-Salliman ng Basilan, at Gov. Yshmael “Mang” I. Sali ng Tawi-Tawi.
Sa mga nakalipas na panahon, naging problema sa proseso ng decommissioning (pagdi-disarma) ang kawalan ng komprehensibo at detalyadong baseline data hinggil sa di umano’y 40,000 MILF combatants.
Rekomendasyon ng mga gobernador, paspasan ang paglikha ng talaan para matukoy ang 40,000 MILF members na isasama sa didisarmahan para madali lamang itong mabeberipika ng mga kinauukulan grupo.
Ang presensya ng MILF base command sa ilang lugar ay nagdudulot din ng komplikasyon sa mga law enforcement agencies at pati na mismo sa mekanismo ng kapayapaan. Ang mga pagtatangkang magsilbi ng arrest warrants sa ilang lugar ay nagresulta na sa mga sagupaan kung saan inakusahan ng MILF ang mga tauhan ng gobyerno ng pagsasagawa ng operasyon nang hindi nakikipagkoordinasyon sa kanila.
Sa mga ganitong sitwasyon, umuusbong ang pagdududa sa panig ng gobyerno na pinoprotektahan o kinakanlong sa mga kampo ng MILF ang mga kriminal at lalo itong nagdudulot ng komplikasyon sa proseso ng decommissioning, ayon pa sa BGC.
