
PANGUNAHING misyon ng Philippine Delegation sa World Economic Forum 2025 palakasin ang pandaigdigang pakikipag-ugnayan at kooperasyon sa layong makaakit ng dagdag na pamumuhunan na magbibigay ng malaking kapakinabangan sa mga mamamayang Pilipino at magpapalago sa ekonomiya ng bansa.
Ito ang binigyan-diin ni Speaker Martin Romualdez bilang head ng PH delegation sa WEF 2025, na may temang “Collaboration for the Intelligent Age.”
“Our participation in WEF 2025 is a testament to the Philippines’ commitment to fostering collaboration, securing investments, and driving inclusive and sustainable development,” pahayag ni Romualdez sa welcome lunch sa Davos, Switzerland.
Para kay Romualdez, lubhang mahalaga ang naturang okasyon para ibida ng Pilipinas ang katatagan, inobasyon at potensyal sa ekonomiya ng ating bansa.
“Amidst the continued downside risks of fragmentation and conflict, there are still deals to be done and partnerships to be forged and strengthened,” wika ng lider ng Kamara.
Bukod kay Romualdez, kabilang sa Philippine delegation sina Finance Secretary Ralph Recto at Trade Secretary Ma. Cristina Roque, gayundin ang ilang kinatawan mula sa pribadong sektor.
Ang kolektibong misyon, ani Romualdez ay palaguin ang “momentum” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang makibahagi sa WEF 2023 na nagsilbing marka ng pagbabalik ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado, kasabay ng paglulunsad ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Inalala ng lider kongresista kung paano naging daan ang WEF 2023 para ipakilala ang MIF, na sinundan ng matagumpay na pagpapatibay ng Maharlika Investment Funds Act noong 2023.
Sinamantala naman ng Philippine delegation WEF 2024 upang ipagbigay-alam sa mga kalahok ng estado ang bagong sovereign wealth fund, sa pangunguna ni Speaker Romualdez at aktibong pakikibahagi ni Maharlika Investment Corporation CEO Joel Consing.
Lalo pa aniyang naipamalas ang paglago ng Pilipinas noong 2024 nang pangunahan ang kauna-unahang WEF Country Roundtable sa Maynila. Dito, mismong si WEF President Borge Brende ang nagpahayag ng kumpyansa sa “trillion-dollar economy” ng Pilipinas sa susunod na dekada.
“Central to this objective is ensuring a sustained flow of investments in the country that will enhance the competitiveness, efficiency, and sustainability of the economy,” ani Romualdez
Tinukoy din ng House Speaker ang mahalagang papel ng Pilipinas sa pagsusulong ng ugnayang pang rehiyon at katatagan at inihayag ang kahandaan Pilipinas para sa mas malaki at matapang na hakbang kasabay ng pag-upo bilang tagapangulo ng ASEAN sa 2026.
Sa ginanap sa WEF noong nakalipas na taon, kasama ni Romualdez ang iba pang lider ng ASEAN at si WTO Director-General Ngozi Okonjo-Iweala sa isang high-level panel kung saan tinalakay ang mga aral mula sa katatagan ng ekonomiya ng ASEAN at ang papel ng mga middle power sa pagsuporta sa geo-economic cooperation.
“Our participation in WEF 2025 serves as a prelude to our ASEAN leadership, showcasing the Philippines’ capacity to drive innovation, foster digital transformation, and champion climate resilience in the region and beyond,” saad niya.
Bilang pagkilala sa mahalagang papel ng pribadong sektor, kinilala din ni Romualdez ang lumalaking pakikibahagi ng mga Filipino business leader sa WEF.
“Our private sector must continue to champion reform and openness, working hand in hand with the government to spur inclusive and sustainable development,” wika pa niya.
Sa pagharap naman ng Pilipinas sa mas komplikadong global landscape, binigyang diin ang pangangailangan ng pinaigting na pagtitiwala at kolaborasyon sa hanay ng mga stakeholders.
“I look forward to strengthening our presence at WEF, building on our strong foundation, and forging partnerships that will drive economic growth and sustainability,” pagtatapos niya.
Ang pakikibahagi aniya ng Pilipinas sa WEF 2025 ay nagpapakita ng hangarin ng bansa na iakma ang ating domestic agenda sa mga pandaigdigang prayoridad, at pagtindig sa pagiging proactive at collaborative na katuwang ng iba pang bansa. (Romeo Allan Butuyan II)