
KUMBINSIDO si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na ‘fall guys” lamang o mga hindi naman totong sangkot sa P12-billion drug smuggling noong panahon ng dating administrasyong Duterte ang inaresto, kinasuhan at ngayon ay nagdurusa sa bilangguan.
“Ang mga pagpupuslit ng tone-toneladang droga na nagkakahalaga ng mahigit labindalawang bilyong piso, na ibinintang sa mga maliliit na tao ay isang kahina-hinalang hakbang upang pagtakpan ang mga tunay na may kinalaman,” pambungad na pahayag pa ni Barbers sa pagbubukas ng ika-14 na pagdinig.
Ayon kay Barbers na tumatayong lead-chair ng House Quad Comm, nagkaroon ng isang “gross miscarriage of justice” ang ipinatupad na war on drugs kung saan mga “fall guys” at hindi ang mga totoong mastermind sa smuggling ng iligal na droga sa bansa ang naparusahan.
Kasama sa sinasabi ng mambabatas ang negosyanteng si Mark Taguba, ang bodegerong si Fidel Anoche Dee at dating Bureau of Customs employee Jimmy Guban sa kabila ng kakulangan ng ebidensya.
“Si Mark Taguba, isang batang negosyante, sumasalo lamang ng mga pinarating ng mga nag-angkat o importer ng mga bagay-bagay kasama na ang iligal na droga. Wala siyang alam sa laman ng containers,” sabi pa ni Barbers.
Ani Barbers, si Dee na isang guwardiya ay tumanggap umano ng shipment sa isang “controlled delivery” ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“Ang bodegero ay kinasuhan at ngayon ay nagdurusa sa loob ng bilangguan. If these people are necessary fall guys in order to cover up the truth, then we have committed a grave injustice which we are now compelled to rectify,” giit ng Surigao del Norte solon.
Nagpahayag naman ng pangamba si Barbers sa pagkakatalaga kay dating prosecutor Aristotle Reyes bilang isang RTC judge na humawak ng drug case ng mga “fall guys.”
“Si dating prosecutor Aristotle Reyes na diumano matapos sampahan ng kaso ang mga fall guys ay na-promote bilang isang RTC judge, na ngayon ay balitang diumano ay nag-a-apply din bilang isang justice ng Sandiganbayan kung ito man po ay totoo,” dagdag ng House panel head.
“Gusto sana nating makaharap dito si Judge Reyes upang malinawan ang mga bagay na ito subalit kinakailangan pa natin ng pahintulot ng Korte Suprema dahil sa siya ay isa na pong judge. Isang bagay na kinakailangan malinawan ay ang mga charges diumano ni prosecutor, na sinang-ayunan ng Department of Justice under former Sec. Vitallano Aguirre,” aniya pa.
Hirit ni Barbers, sa isang malalim na imbestigasyon sa umano’y kuwestyunableng pag-usig sa mga nakulong.
“Hinahanap ng Quad Comm ang hustisya. Hinahanap namin ang tunay na may-ari ng droga,” wika pa ng kongresista.
Binigyan-diin ng mambabatas ang kahalagahan na amyendahan ang mga batas para maiwasan ang kawalang hustisya sa hinaharap.
Samantala, sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Quad Comm, sinabi ni Barbers na isusulong ng komite na maparusahan ang mga mastermind ng drug smuggling.
Kinalampag rin ng Surigao del Norte solon ang Department of Justice at iba pang ahensya ng gobyerno na silipin ang mga kaso upang mapanagot ang mga tunay na may sala.
Bukod sa drug smuggling, tatalakayin din ng komite ang pagpaslang kay dating General Wesley Barayuga, board secretary ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), kabilang ang paggisa kay Police Col. Hector Grijaldo upang mapalabas ang katotohanan sa nasabing krimen. (Romeo Allan Butuyan II)