PARA kay Justice Secretary Crispin Remulla, walang dahilan para busisiin ang kumpanya sa likod ng GCash e-wallet system kung saan pinaniniwalaang milyon-milyong piso ang ilegal na nailipat sa dalawang personal bank accounts.
Katwiran ni Remulla, maagap naman natugunan ang aberya.
Bago pa man naglabas ng pahayag ang DOJ chief, isinusulong ang magkahiwalay na congressional inquiry sa Globe Fintech Innovations Inc. – ang kumpanya sa likod ng GCash e-wallet platform. Maging ang National Privacy Commission (NPC), naglunsad na rin ng isang malalimang imbestigasyon sa hangaring matukoy ang problema at mga responsable sa nasabing aberya.
Bagamat itinanggi ng Globe Fintech Innovations ang hacking sa GCash platform, naglabas ng kalatas ang dalawang pribadong bangko – ang East West Bank at Asian United Bank hinggil sa ginawang hakbang matapos mdiskubre ang di umano’y hindi pangkaraniwang bugso ng cash transfer sa dalawang personal bank accounts.
Ayon sa Globe Fintech Innovations, ‘phishing’ ang nangyari sa mga GCash users. Paliwanag nila, nakuha ng cyber criminals ang personal information ng ilang inosenteng subscribers na walang kamalay-malay na kinuhanan na pala ng kanilang pondong nakalagak sa GCash wallet.
Anila pa, naibalik sa mga GCash wallet users ang mga nawawalang pera sa kani-kanilang account.