NI ESTONG REYES
KUNG may ahensyang karapat-dapat paglaanan ng sapat ng intelligence funds, iyon ay ang Philippine National Police (PNP) para matunton at tuluyang wakasan ang mga illegal POGO sa bansa.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, lubhang nakakabahala ang natuklasang guerilla-style na operasyon ng ibang kumpanyang nagpapanggap na call centers.
“Kailangan ng PNP ng mas mataas na pondo upang kumalap ng intelligence, partikular sa ating kampanya laban sa POGO,” ayon kay Gatchalian.
“Ito na ang panahon para suportahan ang PNP sa pangangalap ng mas maraming intelligence,” diin ng senador sa pagdinig ng 2025 proposed budget para sa pambansang pulisya.
Batay sa nakalap na datos ng mambabatas, lumalabas na bumaba ang intelligence fund ng PNP na mula P1.356 bilyon noong 2023 tungo sa P906.025 milyon ngayong taon.
Sa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2025, binigyan ang PNP ng intelligence fund na P806.025 milyon. Sa naturang halaga, P100 milyon ang ambag ng senado.
“Ang mas mababang halaga ng intelligence fund ay kontra sa hangarin nating mapabuti ang trabaho ng PNP,” aniya.
Dahil sa direktiba ng Pangulo na wakasan na ang lahat ng operasyon ng POGO sa bansa hanggang sa katapusan ng taon, kailangan aniyang doblehin ng mga law enforcement agencies gaya ng PNP ang kanilang pagsisikap na ipasara ang lahat ng POGO hubs at pagpapalayas ng mga dayuhang POGO workers.
Sa pagdinig ng kongreso, naungkat ang mga ilegal na aktibidad ng POGO, kabilang ang kidnap-for-ransom, human trafficking, at online scamming, ani Gatchalian.
Umabot sa 5,800 ang kabuuang bilang ng mga biktima ng POGO-related crimes nitong Mayo ng kasalukuyang taon base sa datos ng PNP.
Ipinunto ni Gatchalian ang Section 4 ng Executive Order No.74 na inilabas ng Pangulo noong Nobyembre 5 na nag-uutos sa PNP na paigtingin ang laban kontra illegal POGO, internet gaming licensees, at iba pang offshore gaming operations at services.
Para sa naturang senador, higit na malaki ang idinulot ng perwisyo ng POGO kesa sa buwis na nakolekta ng gobyerno.
