SISIMULAN na umano ng nanalong pribadong grupo ang operasyon at rehabilitasyon ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Setyembre sa susunod na taon sa ilalim ng timeline nito para sa P170.6-bilyong NAIA Public-Private Partnership project.
Ipinakita ni Transportation Undersecretary for Planning and Project Development Timothy John Batan, na namumuno sa Pre-qualification Bids and Awards Committee (PBAC) para sa proyekto, ang NAIA PPP initiative timeline sa pagbubukas ng mga bid noong Disyembre 27.
Base sa timeline ng DOTr, sinabi ni Batan na magsisimula ang operasyon at maintenance ng NAIA ng winning bidder sa Sept.11,2023.
Apat na consortia ang nagsumite ng mga document bid. Ito ay ang Manila International Airport Consortium, Asian Airport Consortium, GMR Airports Consortium, at SMC-SAP & Company Consortium.
Ang dokumentong isinumite ng apat na grupo ay binubuo ng local at foreign conglomerates , ay itinuring na kumpleto at ngayon ay sasailalim sa karagdagang detalyadong pagsusuri pati na rin ang masusing pagtatasa ng mga teknikal at pinansyal na kakayahan ng mga bidder upang isagawa ang proyekto.
Sinabi ni Batan na magsasagawa ang PBAC ng detalyadong pagsusuri sa mga dokumento ng kwalipikasyon sa loob ng hindi hihigit sa 10 araw mula sa petsa ng pagsusumite ng bid noong Disyembre 27.