NAKUMPISKA ng Bureau of Customs – Port of Clark ang tatlong pakete na naglalaman ng 14,944 gramo ng shabu na may tinatayang halaga na P103,113,600.
Tatlong pakete na idineklara bilang brochures mula sa mula sa Texas, Pennsylvania, at Illinois, USA ang dumating noong Disyembre 18, 2023, at dumaan sa K9 sniffing. Pagkatapos ng pisikal na pagsusuri, natuklasang naglalaman ito ng mga plastic pouch hinihinalang shabu.
Kinumpirma ng PDEA chemical laboratory analysis na ang mga sangkap ay tunay na methamphetamine hydrochloride, kilala bilang “Shabu,” isang mapanganib na droga sa ilalim ng R.A. No. 9165.
Naglabas si District Collector Erastus Sandino Austria ng mga Warrant of Seizure and Detention laban sa mga shipment para sa paglabag sa R.A. No. 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA) kaugnay ng R.A. No. 9165.
Ang Port of Clark, sa pangunguna ni District Collector Austria, ay nananatiling committed sa pagbuwag sa iba’t ibang modus operandi ng mga nagtatangkang magpasok at mamahagi ng ilegal na mga droga.
“Bagaman mayroon pa ring maraming trabaho na kailangang gawin sa Bureau of Customs upang makamtan at pigilan ang anumang ilegal na pagtatangkang mag-import ng mga kontroladong substansiya sa bansa, magpapatuloy kami sa pagpapalakas ng aming koordinasyon sa aming mga kasamahan na ahensiya sa pagprotekta mula sa masamang epekto ng pag-smuggle ng droga,” ayon kay Commissioner Bienvenido Rubio.”