SA layuning tiyakin ligtas ang mga mamamayan sa nakamamatay na mikrokbyong tumama sa mga pastulan sa Brazil, pansamantalang ipinagbawal ng Department of Agriculture (DA) ang pag-angkat ng karne ng baka mula sa naturang bansa.
Bukod sa baka, tablado rin sa ilalim ng Memorandum Order no. 23 na nilagdaan ni Agriculture Senior Undersecretary Domingo Panganiban ang iba pang beef derivatives na posibleng kontaminado na rin ng Bovine Spongiform Encephalopathy na mas kilala sa tawag na ‘mad cow disease.’
Ayon sa kalatas ng kagawaran, ang pagbabawal sa importation ng karne ng baka mula sa Brazil ay bilang pag-iingat sa mga konsyumer matapos makumpirma ang pagkalat ng peligrong dala ng naturang sakit sa mahabang talaan ng pastulan sa nabanggit na bansa.
Batay sa mga pagsusuri ng mga dalubhasa, posibleng makaapekto sa kalusugan ng mga tao ang ‘mad cow disease.’
Bukod sa importation, tigil na rin muna ayon sa DA ang pagproseso ng aplikasyon ng mga permit sa pag-angkat ng baka mula Brazil.
Gayunpaman, nilinaw ni Panganiban na hindi saklaw ng direktiba ang mga baka mula Brazil sa kondisyong isinagawa ang pagkatay bago pumasok ang taong 2023.
Higit na kilala ang bansang Brazil bilang isa sa mga pinakamalaking supplier ng karneng baka sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Batay sa datos ng Bureau of Animal Industry (BAI), umabot sa 69.7 milyong kilo ang inangkat ng Pilipinas mula sa naturang bansa.