Sa kasalukuyang pangyayari, lumilinaw na pansariling interes ng China at US ang posibleng maganap sa West Philippine Sea (WPS) na walang ibang maiipit kundi ang Pilipinas.
Palagay ng karamihan, hindi titigil ang China sa pagtatayo ng artificial islands sa pinalawak na teritoryong inangkin ng Beijing sa South China Sea upang paligiran ang kanilang bansa ng depensang militar kasabay ng pangangamkam ng yaman-dagat sa pinagtatalunang karagatan.
Kitang-kita naman na umiinit ang puwet ni Xi Jing Ping sa Taiwan kaya’t madalas ang paglipad ng eroplanong pandigma nito sa Taiwan Strait na dating “no fly zone” upang humupa ang tensiyon.
Pero, hindi sa halip na pahupain ng China ang tensiyon sa South China, mas pinatitibay nito ang sariling depensa sa inangkin na nine-dash line kahit labag sa international law.
Siyempre, papasok ang US at kaalyado nito tulad ng Japan at Australia upang protektahan ang Taiwan, pero hindi ang Pilipinas. Gagawin lang nilang shield at tungtungan ang ating bansa upang ipagtanggol sa “freedom of navigation” sa lugar.
Sino ang talo sa ganitong senaryo? Malamang ang Pilipinas. Kundi kikilos ang gobyernong nananahimik kapalit ng kaunting ayuda mula sa US, Japan at Australia dahil kailangan ang pondo matapos waldasin ng administrasyong Duterte, kamuka’t-mukat mo, andyan sa ating karagatan ang digmaan ng mga dambuhalang bansa.
Interes versus interes ang diskarte ng dayuhan sa maliliit at mahihinang bansa tulad ng Pilipinas na nabubuhay sa ayuda at limos ng ibang gobyerno. Kaya’ hindi maikakaila na agrabiyado ang Pilipinas kapag nagkataon. Huwag naman sana.
Kaya’t nakikita kong tama ang pananaw o suhestiyon ni Senador Alan Peter Cayetano na hindi dapat mamili ang Pilipinas kung sino ang papanigan bagkus ipaglaban ng ating gobyerno, sa ngalan ng boses ng Filipino, ang ating karapatan sa WPS.
Hindi natin kailangan makidigma, bagkus ipaglaban natin ang ating karapatan sa WPS sa pamamagitan ng diplomasyang pamamaraan, sa international forum na pro-Filipino, hindi pro-China o pro-US, may bulong man o wala.
Nasabi tuloy ni Cayetano sa kumpirmasyon nitong Martes sa mga flag officers at ilang matataas na opisyal ng militar at Department of Foreign Affairs na dapat “The best of course is just being pro-Filipino.”
Nakakabahala kasi si Cayetano at ilang miyembro ng Senado at Kongreso sa sitwasyon dahil walang malinaw na estratehiyang ipinatutupad, diplomatiko man o internal, ang ating gobyerno sa usapin ng WPS.
Kailangan na talagang lumikha at magbuo ang bansa, ayon kay Cayetano, ng “one-hundred year plan” o kahit “one-thousand year plan” kung nais ng ating gobyerno na tapatan ang malalakas at epektibong estratehiya ng China.
“Hindi ito isang zero-sum game,” sambit nya sa pagdinig.
Inulit ni Cayetano ang kanyang “pro-Filipino” na posisyon kinabukasan nang manawagan siya sa Philippine National Oil Company (PNOC) at Department of Foreign Affairs (DFA) na bigyang-pansin ang interes ng Pilipinas kasunod ang paghatol ng Korte Suprema sa Joint Maritime Seismic Undertaking (JMSU) ng PNOC kasama ang Vietnam at China noong Enero.
“I keep saying you can be pro-Filipino without being anti-China or anti-US. You can be pro-US but not be pro-Filipino. You can be pro-China and not be pro-Filipino. But you can be pro-Filipino and be neutral regarding every other country,” sabi niya sa joint meeting ng Senate Committee on Government Corporations and Public Enterprises kasama ang mga Komite ng Foreign Relations; Ways and Means; at Finance noong Miyerkules.
Ang pangunahing paksa ng pagpupulong ay ang pagpapatigil sa PNOC Exploration Corporation (PNOC EC) na magsagawa ng seismic surveys kasama ang Vietnam at China dahil sa hatol ng Korte Suprema na labag daw ito sa Saligang Batas.
Noong 2005, nakipagtulungan ang PNOC sa China National Offshore Oil Corporation at Vietnam Oil Gas Corporation upang mag-explore sa malaking bahagi ng West Philippine Sea.
Bagama’t legal ang mga survey na ito sa ilalim ng international law, sinabi ng Korte Suprema na labag ito sa batas ng Pilipinas dahil pinapayagan nito ang dayuhang kumpanya na mag-explore ng likas na yaman ng bansa na nakatakda sa ating Saligang Batas.
Tama iyong maingat at flexible approach na iminumungkahi si Sen. Alan Cayetano sa ganitong kakumplikadong sitwasyon upang makamit ang paborableng resulta para sa Pilipinas.
“It’s not a zero-sum game. Hindi ‘to katulad nung war na may victor at may natalo. Because in diplomacy, it’s not a zero-sum game,” aniya.