HINDI nakalusot sa mapanuring mata ng Kongreso ang di umano’y kaduda-dudang paggagawad ng P1.3-bilyong kontrata sa nag-iisang bidder para supply deal ng trak ng bumbero.
Partikular na kinuwestyon ng House committee on public order and safety ang supply deal na iginawad sa F. Cura Industries – Enplus Co. Ltd. joint venture noong Abril ng nakalipas na taon.
Ayon sa komite, taong 2018 pa nang mapansin ang pagpabor ng kawanihan sa F. Cura Industries na nag-iisang bidder sa P1.3-billion supplu contract – bagay na kinontra ng BFP chief Louie Puracan.
Ani Puracan, dalawa ang kumpanyang nagpahayag ng interes na magsupply ng mga firetruck sa pinamumunuan ahensya – subalit nadiskwalipika bunsod ng kabiguan ng Panpisco – F One Tech joint venture na ideklara ang pinasok na kontrata sa naiwang bidder, ang F. Cura Industries.
Ayon kay Abang-Lingkod partylist Rep. Stephen Paduano, malinaw ang nakasaad sa Section 24 (iv) ng Government Procurement Reform Act – obligasyon ng bidder ideklara lahat ng nakaraan at buhay na kontrata sa pribadong kumpanya at ahensya ng pamahalaan bago pa man simulan ang bidding.
“Hindi niyo pwedeng mapigilan na mag-isip kami dito na may favored bidder kayo. Dapat sana nakita niyo na yun before the dropping of the bid documents na may problema sila para hindi na natuloy yung bidding dahil isa lang ang bidder na pwedeng mag-qualify,” ayon sa Paduano.
Hindi rin aniya pangkaraniwan sa pamahalaan ang pagkakaroon ng ‘limitadong’ bilang ng mga kumpanyang lumahok sa bidding procedure para sa mga programa at proyekto ng naturang ahensya.
Paliwanag naman ni Puracan, hindi nakakaakit sa hanay ng mga negosyante ang maliit na tubo sa mga kontrata ng BFP.
Pinuna rin ni ACT partylist Rep. France Castro ang pagtaas ng presyo ng firetrucks sa P15 milyon kada unit mula sa P12 milyon noong 2021.
Plano ng BFP bumili ng karagdagang 200 fire trucks sa hangaying palakasin ang kapasidad ng lupon ng mga pamatay sunog.