SA pagbalik sa bansa ng feeling K-Pop superstar na si Alice Guo, di na siguro makatulog sa nerbiyos ang isang dating Pangulo.
Maski sino siguro dadagain sa dibdib sakaling ikanta ni Guo ang mga personalidad na nagbigay-daan sa pamamayagpag ng illegal POGO.
Walang dudang kabisado ni Guo ang pasikot-sikot sa pinasok na negosyo, tunay na pagkatao ng mga kasosyo at mga opisyales na kinakapitan sa gobyerno.
Sa ilalim ng nakalipas na administrasyon,, umunlad ang kanyang negosyo nang walang hassle. Dumami din ang mga inaliping banyagang binigyan ng kasanayan sa panloloko sa mga Pilipino.
Pero ang gobyernong noo’y pinamumunuan ni Digonyo, dedma sa galaw ng sindikato. Dangan naman kasi, kasosyo si Michael Yang na kanyang itinalaga sa Palasyo bilang Presidential Economic Adviser kahit alam naman niyang bantog sa kalokohan ang damuhong beho.
Sa China at sa mga karatig bansa sa Asya, kilala si Yang bilang drug kingpin. Pero pagdating sa Pinas, kagalang-galang ang peg ng damuho — kasi nga naman opisyal na siya sa Palasyo.
Sa bansang pinaghaharian ng huklubang Digonyo, nagshopping spree sina Guo at Yang. Ginipit at binayaran sa murang halaga ang sangkatutak na lupang ginawang POGO hub na sentro ng operasyon ng tinaguriang scam farms.
Yung ibang ipinundar, tinayuan ng mga bodegang imbakan ng mga inismagel na kontrabando. Sa Pampanga, cold storage naman ng droga.
Pero sa ilalim ng umiiral na natas sa panahon ni Digonyo, walang karapatan magmay-ari ng lupa ang mga banyaga.
Batay sa nakalap na impormasyon ng Anti-Money Laundering Council (AMLC), konektado sina Guo at Yang na super close kay Digonyo.
Ayon sa AMLC, kapwa may business interest sina Yang at Guo sa Baofu Land Development Inc. at Hongsheng Gaming kung saan nakatala ang pangalan ng sinibak na alkaldeng katransaksyon ng isang nagngangalang Hongjiang Yang — utol ng tagapayo ni Digonyo.
Sina Yang at Guo kapwa dawit na sinalakay na illegal POGO hub sa Bamban, di kalayuan sa munisipyo ng nasabing bayan.
Bukod sa magkapatid na Yang, pasok din sa illegal POGO ang mga personalidad na dawit sa Pharmally scam sa panahon ng pandemya — sina Gerald Cruz na incorporator ng Brickhartz Technologies at Corporate Secretary ng Pharmally.
Nasa talaan din ng AMLC ang Full Win Incorporation ni Hongjang Yang at Huang Tzu Yen ng Pharmally na kapwa aminadong si Michael Yang ang kanilang amo.
Lumalabas din sa imbestigasyon na may sariling POGO firm si Yang — ang Xion Wei Technologies.
Bagamat malayang nakakapagnegosyo, hindi naman pwedeng solo lang nina Yang at Guo ang kita. Hindi man sila inobligang magbayad ng buwis, kargo nila ang gastusing kalakip ng giyera kontra droga na nagbigay kasikatan kay Bato dela Rosa.
Ang pabuya sa kada ulo ng pipitsuging tulak, galing sa kanilang dalawa, batay sa kwento ni Col. Jovie Espenido na tinaguriang berdugo ng tokhang ni dela Rosa.
Speaking of tokhang, inamin ni Espenido na ang drug war ni Digonyo ay sadyang dinisenyo para ubusin ang kakumpetensya ni Yang sa kalakalan ng droga.
Lahat ng bulilyasong yan, hindi mangyayari kung walang basbas ng amo. Pero sino nga ba ang kapural sa likod ng sandamakmak na perwisyo ng droga at POGO?
Ask natin kay Digonyo.
