MAS kapanapanabik ang mga bagong yugto sa kaso ng tinaguriang “missing sabungero.” Dangan naman kasi, tuluyan nang ingunuso ng mismong katiwala ang kanyang amo — si Atong Ang na higit na kilala bilang isang gambling lord.
Tila nakiliti pa nga ako nang pati ang aktres na si Gretchen Barretto, pasok sa talaan ng itinuturong utak sa likod ng pagpatay sa tinatayang 100 kataong umano’y sangkot sa “game-fixing” sa sabong na inorganisa ni Ang.
Pero teka… totoo ba itong natisod kong pati ang henyong bata ni Atong kaladkad sa karumal-dumal na pagpatay sa mga “missing sabungero.”
Huwag na tayo mag paligoy-ligoy. Ang tinutumbok ng ating impormante ay isang nagngangalang Joseph Lumbad. Sa aking pagsasaliksik, si Lumbad pala ang nagbuyo kay Atong para pasukin ang online sabong.
But wait there’s more. Ang huling balita ko, tumiwalag na sa pundilyo ni Atong si Lumbad na nagtayo ng sariling sindikato sa lungsod ng Maynila – karera ng kabayo, pula-puti, fruit game, color game at iba pang pwedeng panoorin at pustahan online.
Dagdag pa ng ating insider, hango ang konsepto ng online gambling sa bansang India ang mga palaro ni Lumbad na tumakbo (pero hindi pinalad) sa posisyon ng kongresista noong nakaraang May 2025 national and local elections.
Posible bang nakatunog si Lumbad sa nakaambang problema ni Atong Ang, kaya siya kumalas sa kanyang amo? Sakaling totoo, hindi kaya may alam din siya sa naturang krimen?
Ito rin siguro ang naglalaro sa isip ng National Bureau of Investigation (NBI) na patuloy na nagsisiyasat sa iba pang personalidad na kilalang malapit kay Atong Ang bago pa nangyari ang pagdukot at pagpatay sa mga sabungero.
Kasama kaya sa talaan si Lumbad na may “akda” ng e-sabong ni Atong Ang? Bakit nga ba hindi, lalo pa’t siya pala ang IT expert ng World Pitmaster ni Atong Ang.
Hay naku… abangan na lang natin ang susunod na kabanata. Pero sa aking sapantaha, tila malapit na maubos ang buenas ng dating mag-amo.
Ang tanong na lang… kailan lalabas ang warrant of arrest laban sa henyong bata ni Atong Ang?
