Ni Hernan Melencio
MAS malalang krisis sa transportasyon ang sasalubong sa Pilipinas sa pagpasok ng 2024 kung hindi babaguhin ni Dayunyor ang pasya tungkol sa sapilitang pagpasok sa kooperatiba ng mga operator ng dyipni sa katapusan ng taon.
Sabi raw kasi sa kanya ng Department of Transportation (DOTr), 70% na ang organisadong operator ng public utility vehicles (PUVs) kaya hindi na siya magbibigay pa ng palugit. Sa maikli, “Blaha kayo sa buhay n’yo!” Hindi na papayagang bumiyahe ang mga dyip na hindi kasali sa kooperatiba o korporasyon simula Enero 1.
Mahalaga umano ang pagsasama-sama ng mga operator bilang unang hakbang sa PUV Modernization Program (PUVMP). Pero sa tunay na buhay, jeepney phaseout ang talagang layuning ng modernisasyon sapagkat napagpasyahan na ng pamahalaan na dyipni ang sagabal sa pag-unlad ng bayan. Kesehodang itinuturing itong isa sa mga simbolo ng Pilipinas at bahagi na ng kulturang Pilipino. Hindi na magbibigay ng indibidwal na prangkisa ang DOTr at ‘yung mga grupong bibigyan e obligadong gawing moderno ang kanilang sasakyan.
Napakaraming butas sa programang ito at maraming hindi mapakali sa pagmamatigas ng gobyerno na ipatupad ang programang hindi naman masyadong pinaghandaan.
Unang-una, kwestyonable ang 70% na konsolidasyon ng mga operator ng dyipni. Ayon sa mga nakawelgang drayber at operator ng mga dyipni, kasama sa kwenta ng gobyerno ang mga bus, UV Express at iba pang PUV. Kung dyipni lang ang pag-uusapan, kakaunti pa lang ang konsolidado. At hindi madaling sumali sa kooperatiba o korporasyon dahil may kaakibat itong mga gastos, bukod pa sa away ng mga nagkukumpetensyang nilalang sa industriya ng transportasyon.
Pangalawa, paano magbibigay ng prangkisa ang LTFRB gayong hindi pa kumpleto ang bagong plano ng mga ruta, na dapat nitong inuuna?
Ikatlo, binabalewala nito ang mga drayber at operator na mawawalan ng hanapbuhay simula Enero 1. Gayundin ang mga pasaherong maaabala sa kawalan ng masasakyang dyipni, na siyang nagsisilbing pangunahing pampasaherong sasakyan sa makikitid na daan ng bansa.
Bukod sa pakiusap kay Dayunyor na magbigay pa ng palugit, dinala na rin ng mga nakawelgang drayber at operator ng dyipni sa Korte Suprema ang kaso. Humihiling silang magbigay ito ng temporary restraining order para huwag ipatupad ang deadline ng DOTr sa konsolidasyon. Paglabag umano ito sa karapatan ng isang tao na pumasok o hindi pumasok sa isang organisasyon.
Magkakalaman sa Disyembre 31 kung ito na ang huling pasada ng mga dyipning inalisan na ng prangkisa. Abangan ang susunod na kabanata.