Ni Lily Reyes
SUPORTADO ni Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur C. Abalos, Jr. ang inilabas na executive order ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Sabado para sa paglikha ng special committee na tututok sa mga isyu ng Lesbian Gay Bisexual Transgender (LGBTQIA+).
“The Department of the Interior and Local Government (DILG) stands with President Ferdinand R. Marcos, Jr. in espousing a society where diversity and inclusion remain foundational posts in establishing a truly united country,” batay sa inilabas na pahayag ni Abalos nitong Martes.
Ayon kay Abalos, ang paglagda sa EO No. 51, s. 2023 ng Pangulo ay isang matapang at malugod na hakbang dahil kinikilala nito ang pangangailangang harapin at ilagay ang mga karapatan ng mga Pilipino, anuman ang kasarian at oryentasyong sekswal.
Aniya, bilang Vice Chairman ng Committee on Diversity and Inclusion na nilikha sa ilalim ng EO 51, nangangako umano ang kalihim na itulak ang may kaugnayan at kritikal na pagkakaiba-iba, mga programa at patakaran sa pagsasama na ganap na sumusunod sa mga karapatang pantao at pagkakapantay-pantay.
“Asahan po ninyo ang suporta ng buong DILG sa pagtahi ng mga napapanahong pagbabago tungo sa mas inklusibong lipunan ng Pilipinas,” anang kalihim.
“Sama-sama nating isulong ang isang Bagong Pilipinas kung saan kabahagi ang bawat Pilipino anuman ang relihiyon, edad, sekswalidad at pagkakalinlan,” dagdag pa ng DILG chief.
Una dito nag-isyu EO si Marcos Jr. na layuning palakasin ang umiiral na mga mekanismo para tugunan ang patuloy na diskriminasyong nararanasan ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Nabatid na ang itatalagang chairperson ng special committee on LGBTQIA+ Affairs ay makakabilang sa inter-agency committee on diversity and inclusion, na ngayon ay tinatawag nang diversity and inclusion committee. Pamumunuan naman ng Department of Social Welfare secretary ang special committee habang co-chairperson naman ang mga kalihim ng Migrant Workers at Labor.
Kukuha din ang Pangulo ng tatlong miyembro mula sa LGBTQIA+ community na gagawing assistant secretary upang matiyak na ang mga polisiya ay epektibong magtataguyod ng pagkakapantay-pantay, walang diskriminasyon, pagsasama at kagalingan ng komunidad.