MATAPOS ang anim na taong paghinto sa operasyon, umarangkada na ngayong umaga, Disyembre 27 ang 101-kilometrong rutang Naga-Legazpi sa Bicol Region, ayon sa Philippine National Railways.
Sa pag-arangkada ng mga PNR trains sa nasabing ruta, naisakatuparan ang hiling ng mga Bicolano na unti-unting magbalik ang serbisyo nito sa kanilang mga bayan at rehiyon.
Nagpasalamat naman si PNR General Manager Jeremy S. Regino sa Department of Transportation (DOTr), sa pangunguna ni Secretary Jaime J. Bautista, sa malaking tulong nito upang muling mabuksan ang nasabing ruta, na may apat na biyahe kada araw.
Matagumpay na umarangkada kaninang 5:38 AM ang unang biyahe nito sa Naga City papuntang Legazpi City, at 5:45 AM mula sa Legazpi City papuntang Naga City.
Kada hapon, ang biyahe mula Naga papuntang Legazpi ay sa ganap na 5:30 PM. Ang biyahe naman mula sa Legazpi patungong Naga ay sa ganap na 5:47 PM.