SA layuning isulong ang kalusugan ng mga mamamayan, hinandugan ng lokal na pamahalaan ng Valenzuela ang Barangay Veinte Reales ng isang ambulansyang akmang tugon sa mga tawag ng saklolo sa hanay ng mga naaksidente at mga may karamdaman.
Para kay Valenzuela Mayor Wes Gatchalian, magiging mas madali at walang problema ang pagbibigay ng first aid at pagdadala sa pagamutan ng mga taong may malubhang karamdaman at nasugatan.
Personal na inilipat ni Gatchalian ang pangangalaga ng ambulansya sa pamunuan ng Barangay Veinte Reales, kasabay ng pakiusap na ingatan ang sasakyan para mas marami pang buhay ang maitawid sa peligro ng kamatayan.
“Alam niyo, kung mayroon man isang sasakyan sa buong city hall – sa libo-libo nating sasakyan na mayroon tayo sa city hall, ang ambulansya ang pinaka gamit na gamit na sasakyan. Meron naman po tayong ambulansya dito sa Veinte Reales, dahil nakita ko, na-calculate ko po ang population, talaga pong kakailanganin natin ng additional na ambulansya,” wika ng alkalde.
Bukod sa libreng ambulansya, tiniyak din ni Gatchalian na isasailalim sa pagsasanay ang mga kawani ng barangay sa larangan ng pagtugon sa tuwing may emergency.
