
KARMA is real, ika nga ng panulat. Ibig sabihin, anuman ang ginawa mong masama sa kapwa mo, babalik at babalik sa iyo – at yun mismo ang magpapahirap sa kasalukuyan mong sitwasyon.
Sa simula hanggang sa kasagsagan ng kampanya ng mabuti laban sa masama, sibuyas ang ginamit ng kampon ng tiwali at mandarambong upang laitin at sirain ang magandang imahe ng kampanya.
Ngayon, sibuyas ang nagpahirap sa taong lumait sa mabuting adhikain. Alam nyo na siguro kung sino tinutukoy ko.
Hindi mawawala ang sibuyas sa lahat ng uri ng luto, maging inihaw, sangkutsa at masarap na pansit at spaghetti sa tuwing may handaan. Kaya noong kapaskuhan, itinodo ng hoarders at smugglers ang halaga ng sibuyas kahit P8 hanggang P12 lang kada kilo ang bili nila sa magsasaka.
Masakit nito, maraming kasabwat ng tiwaling negosyante ang ilang opisyal ng ahensya ng pamahalaan na dapat kumalinga at magbigay proteksyon hindi lamang sa consumer kundi sa buong sektor ng agrikultura
Pero, lumilitaw sila ang nagpapahirap sa magsasaka partikular sa nagtanim ng sibuyas pa lamang ah, hindi pa kasali dito sa usapin ang palay, bawang at iba pang mahahalagang pagkain na ginagamit ng lahat.
Kahit kanino ka magtanong, sobrang durog na durog ang kabuhayan ng magsasaka noong pandemya. Mabuti na lamang may ilang indibidwal at institusyong direktang bumili ng ani sa magsasaka gamit ang batas sa Sagip Saka Law.
Ngayon, unti-unti nang bumabangon ang sektor ng agrikultura. Sana naman, mabigyan sila ng proteksyon hindi lamang sa direktang ayuda tulad ng libreng pataba at binhi, lagyan din ng mekanismo ang pinaiiral na batas upang makaagapay sila sa bagong takbo ng panahon sa sektor.
Katulad ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP), samahan ng 15 miyembro ng ASEAN na magbibigay ginhawa sa local na magsasaka kung mabibigyan sila ng tamang ayuda, tulong teknikal, low interest credits, marketing at iba pa na magiging competitive sila sa international market.
Tulad ng sibuyas, hindi mabubulok ang ani ng magsasaka kung sapat ang storage facilities ng pamahalaan – take note, dapat hindi kontrolado ng malalaking negosyante. Kikita sila kung sapat ang tulong teknikal at marketing.
Dapat bawat lalawigan, bawat munisipalidad, bawat agricultural barangay, may storage facilities na pwedeng gamitin ng magsasaka sa pag-iimbak ng ani.
Di tulad ng ngayon, kontrolado ng malalaking negosyante ang storage facilities… hindi lamang ng pribadong sektor kundi maging pag-aari ng pamahalaan.
Kasi, kung matutupad lamang ang lahat ng sinasabi ng mambabatas hinggil sa RCEP na patungkol sa magsasaka, naniniwala akong magkakaroon ng ginhawa sa ating magbubukid.
Tulad ng sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano sa kanyang pagsuporta sa RCEP, dapat may safety nets at capacity building na dapat isabay na maisabatas bilang proteksyon sa local industries, hindi lamang sa sektor ng agrikultura.
Pero, kung patuloy na magiging pangako ang sinasabing nakalagay sa mekanismo upang protektahan ang sektor ng magsasaka, hindi makakaahon ang magbubukid sa putikang kinasadlakan hindi lamang sa panahon ng pandemya kundi maging sa kamay ng buwitreng ismagler, hoarders at kasabwat sa gobyerno.
Kaya kung hindi masasawata at masasampolan ang ilang negosyanteng nagpapahirap sa sektor ng agrikultura, mananatiling karma ang isyu ng sibuyas sa ating bansa.