NAGING kontrobersyal ang isang tourism advertisement sa London bus kamakailan na ipinakita si May Parsons, isang Filipino nurse na kauna-unahang nagturok ng first approved COVID-19 vaccine, na may kasamang mensaheng, “We give the world our best. The Philippines.”
Nabahala rito si Senate Committee on Tourism chairman Sen. Nancy Binay at ang kanyang tanong, “Sa unang tingin pa lang, ano ang konek ng nars, hiringgilya at bakuna sa pino-promote nating mga tour destination?”
“We don’t want to commodify our people, and we don’t want to be labeled as a country that exports labor,” giit ng senadora.
Sa isang two-page statement na inilabas noong Sabado, inamin ni Office of the Presidential Adviser on Creative Communications (OPACC) Secretary Paul Soriano na may inilalatag silang “country branding campaign” upang iangat daw ang spirit ng mga Pinoy na maganda ang sitwasyon sa ibang bansa.
“We Give the World Our Best – The Philippines” is meant to promote and focus on the Filipino achievers abroad,” ani Soriano.
May punto si Binay sa pagpuna sa PH tourism rebranding na inilalako ng administrasyong Marcos Jr. na tila nakatutok sa labor export sa halip na ipagmalaki ang tourist destinations sa bansa para dayuhin ng mga turista.
Sa kabila ng kaliwa’t kanang papuri sa health care workers bilang mga bayani sa panahon ng COVID-19 pandemic, inihayag ng grupong Health Alliance for Democracy (HEAD) na pinagkakaitan sila ng pamahalaan ng sapat na proteksyon, suporta at mga benepisyo.
Hanggang sa ngayon kasi ay hindi pa rin nababayaran ng gobyerno ang kanilang COVID-19 benefits tulad ng Health Emergency Allowance.
Anang HEAD, pinahintulutan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa pamamagitan ng Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP) ang karagdagang pag-export ng ating health human resources at higit na nagbukas ng pribatisasyon ng health care.
Ang mga neoliberal na patakaran sa kalakalan at mga kasunduan sa pautang ay nagbubuklod sa gobyerno na ipatupad ang wage freeze, kontraktwalisasyon, flexible work arrangement, at labor export para matiyak ang tubo ng malalaking dayuhang kapitalista at interes ng mga imperyalistang kapangyarihan.
Ang kapabayaan ng gobyerno sa ating health care workers ang nagtutulak sa kanila para maghanap ng magandang kapalaran sa ibang bansa, habang ang mga piniling magtrabaho sa Pilipinas at maglingkod sa mga liblib na lugar, nakakaranas naman ng red-tagging ng estado.
Walang kahihiyan ang gobyernong umasta bilang recruitment agency para sa mga dayuhang kompanya imbes palakasin ang ekonomiya at bigyan ng nakabubuhay na sahod ang kanyang mga mamamayan.
Ang buhay ng isang migranteng Pinoy ay hindi isang materyal para sa pelikulang ikakamada ng pamahalaan para tularan sa pagpapasyang lisanin ng mamamayan ang kanyang sariling bayan.