
SA Quezon City Regional Trial Court, minsang lumikha ng pangalan ang isang huwes dahil sa tibay ng dibdib laban sa mga prominenteng personalidad na kanyang pinatawan ng parusang kamatayan. Ang kanyang pangalan – Maximiano Asuncion.
Sa Maynila naman, isang asintadong huwes ang pinangingilagan ng mga suberbyong akusado sa kanyang hukuman. Siya si Judge Jimmy Santiago na umukit ng pangalan bilang sharpshooter noong siya’y pulis pa lamang.
Sa Makati City, meron din isang hukom na unti-unting umuukit ng pangalan. Siya si Judge Augusto Arreza.
Gayunpaman, iba ang landas na tinatahak ng pangalan ni Arreza. Dangan naman kasi, isang nagpapakilalang anak niya di umano ang sumisira sa kanyang karerang iningatan sa loob ng mahabang panahon.
Hindi ko kilala si Judge Arreza. Ni minsan, hindi ko pa nga siya nakita. Pero kung pagbabatayan ang kwento ng isang negosyante, lumalabas na uso pa talaga hanggang ngayon ang ‘hoodlum in robe’ – sila yung mga panira sa tunay na pakay ng husgado.
Litanya ng negosyante, nahulog siya sa patibong ng nagpakilalang anak di umano ni Judge Arreza. Ang binigay na pangalan Joey Arreza.
Kwento ng biktima, nakunan siya ng tumataginting na P5 milyon ni Joey na nagpakilalang isa rin abogado tulad ng kanyang ibinibidang ama.
Para saan ang pera? Ayon sa biktima, ang naturang halaga ay ‘lambing’ di umano sa kanya ni Joey para daw sa amang dumidinig sa kanyang asunto sa Makati RTC.
Paandar pa daw ni Joey, ia-abswelto ang negosyanteng akusado.
Nang sumapit ang araw ng paghuhukom, sinentensyahan ang negosyante.
Fast forward tayo. Nang magkita ang hinatulan at ang nagpakilalang anak ni Judge Arreza, nangako na lang ang damuhong si Joey na ibabalik ang pera.
Pero matapos ang halos dalawang taon, nganga pa din ang negosyanteng nasuba.
Ang tanong – anak ba talaga ni Judge Areza ang si Joey Mambo (mambubudol)? At kung sakaling anak nga ni Judge Arreza ang damuhong Joey na yan, alam kaya ng ama niya ang kanyang diskarteng dorobo?
Tanggap na ng negosyante ang hatol ng korte. Ang tanging hiling na lang niya kay Joey, ibalik ang P5 milyon na ipinangutang pa daw niya.
Sa aking pagsasaliksik, lumalabas na hindi lang pala isa ang biktima ni Joey. Meron pang isang dumulog sa Korte Suprema. Ang halagang nasuba – doblado!