
MARAMING panukala at suhestyon ang dumarating ngayon sa Department of Education o DepEd.
Mainit po kasi. Sumasabay sa init ng panahon ang mga isyu sa sistema ng edukasyon sa ating bansa, pero talakayin lang muna natin ang dalawang mainit na pinag-uusapan.
Sa Senado, suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang blended at modular learning sa mga paaralan upang mapanatiling ligtas ang mga mag-aaral ngayong ramdam na ramdam na ang pagtaas ng temperatura.
Sabi ng senador, unahin ang kaligtasan at kalusugan ng mga mag-aaral lalo na at may mga lugar din anya sa bansa ba nawawalan ng suplay ng kuryente kaya dumudoble pa ang init na na nararamdaman ng mga estudyante.
Ang mga namumuno sa Kagawaran ng Edukasyon sa bawat rehiyon o dibisyon ng mga paaralan ay mayroon awtoridad na suspindihin ang klase at lumipat sa mga alternatibong paraan tulad ng modular distance learning dahil sa mga alalahaning ito — isang praktikal at pinag-aralang solusyon na nagamit noong kasagsagan ng pandemya.
Ito mismo nagbigay-daan sa walang patlang na pagdalo sa klase sa hanay ng mga estudyante nang di kailangan sumuong sa peligrong dala ng nakamamatay na karamdaman.
Ang totoo, malaking bentahe ang kahandaan ng mga guro sa biglaang pagbabago. Mahirap pero nagawa nila sa hangarin tiyakin ang magandang kinabukasan ng mga kabataan.
Sa kongreso, hati naman ang mga mambabatas sa panukalang ibalik sa buwan ng Hunyo ang simula ng klase, may mga naniniwalang mas delikado sa mga mag-aaral ang mga bagyo at sakit na dala ng tag-ulan. Eh lumipat nga ng buwan ang simula ng klase, tila lumipat din ang pagdating ng bagyo sa bansa!
Isa pang isyu sa edukasyon na walang kinalaman sa init ng panahon, pero kapag narinig mo ay nakakabanas, dahil hindi daw natupad ng programang K to 12 program ang layunin nitong padaliin ang paghahanap ng trabaho ng senior high school graduates.
Kaya isinusulong ni House Senior Deputy Speaker at dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang K to 10 + 2!
Paliwanag ni Arroyo, kapag naka-graduate na ng 4th year highschool ang mag-aaral, maaari nang makatulong sa mga magulang sa pagnenegosyo. Sakaling gusto namang kumuha ng professional degree, makakatulong ang 2 taon bilang pre-university education.
Ayon kay Arroyo, wala naman kasi saysay ang K to 12 base sa pag-aaral kung ang pag-uusapan ay ang mga natatanggap sa trabaho pagkatapos gumradweyt! Mas pinipili pa rin daw ng mga employer ang kahit may college level lalo nang college graduate sa kumpanya.
Lumilitaw na ang sistema ng edukasyon ay mismong mga ‘edukadong halal ng taumbayan’ ang nagpagulo. Eh karamihan naman sa mga elected officials ngayon ay nakapagtapos ng pag-aaral sa dating sistema. Pumapasok sila noon kahit napalakas ang ulan, at matagumpay sila ngayon kahit walang dagdag-dalawang taon sa pag-aaral.
Laban-bawi. Balik sa dati!
Sa ganitong napakarami na namang nagtatanggkang ‘paikutin’ ang sistema ng edukasyon, sana wala na tayong marinig sa mga mambabatas na, ibalik ang DECS!