PITONG pinaniniwalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang nasawi sa isang engkwentro sa bayan ng Bobon sa hilagang bahagi ng lalawigan ng Samar, ayon sa Philippine Army 8th Infantry Division (8ID).
Sa isang kalatas na ipinamahagi sa mga mamamahayag, nasa 40 armadong rebelde mula sa Eastern Visayas Regional Party ang di umano’y nakasagupa ng 803rd Brigade sa isinagawang operasyon sa naturang bayan.
Ayon sa Philippine Army, kinailangan pa ng mga sundalo ang air and artillery support para matunton ang eksaktong lokasyon ng kuta ng mga rebelde – bukod pa sa nagkalat na landmine na itinanim sa mga landas patungo sa pinagtataguan kabundukan.
Matapos ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng mga rebelde at sundalo, pitong bangkay ng mga pinaniniwalaang NPA ang tumambad.
Nasamsam rin ng mga sundalo ang mga mataas na kalibre ng baril kabilang ang R4 rifle, dalawang M16, isang AK47 rifle, anti-personnel mine, at mga subersibong dokumento.
Paniwala ng 803rd Brigade, may iba pang sugatan sa hanay ng mga rebeldeng tumakas sa direksyon ng Barangay Santander, batay sa bakas ng dugo na sinundan ng mga sundalo.