
KONTAMINADONG tubig na dulot ng pagsampa ng langis mula sa lumubog na barko sa karagatang sakop ng Oriental Mindoro ang sinisilip na dahilan sa likod ng pagkakasakit ng 14 na residente mula sa bayan ng Pola.
“Meron na tayong isang dinala sa ospital na bata, and yung other 13 na kahapon, kasi kahapon lang naman tayo nagtanong-tanong at pinapunta ko yung (municipal health officer) natin sa isang barangay na sobrang affected ng oil spill,” ayon kay Pola Mayor Jennifer “Ina Alegre” Cruz.
Patuloy ang isinasagawang pagsusuri sa mga pasyente mula sa mga baybaying barangay malapit sa oil spill site.
Nito lamang nakaraang linggo, lumubog ang MT Princess Empress na humantong sa sa pagtagas ng 800,000 litro (211,338 gallon) ng industrial fuel oil.
Pangamba ng mga eksperto, posibleng maapektuhan hindi lamang ang kabuhayan kundi maging ang industriya ng turismo sa mga lalawigan na nakapalibot sa pinangyarihan ng oil spill.
Maging ang alkalde ng Pola, kumbinsidong matindi ang dagok sa kanila ng oil spill. Katunayan aniya, hindi na makapaglayag ang kanilang mga mangingisda, kansselado pa ang mga booking sa mga dinarayong destinasyon sa kanilang bayan.
“Nagka-cancel na yung ibang nagbu-book sa mga resorts owners natin,” aniya.
Mahigpit na rin pinapatupad sa nasabing lokalidad ang curfew hours bunsod ng oil spill.
“Simula kagabi po nagsimula na ang curfew sa ating mga kabataan, 21 years old pababa…kasi yun yung alam natin na palaging pumupunta sa tabing-dagat natin at para minsan nag-iinuman. O mamaya biglang nakalimutan nila na may oil spill doon. Baka sila maligo sa dagat,” ayon sa punongbayan.
Obligado na rin aniyang magsuot ng facemask ang mga residente sa nasabing bayan.