HINDI na nagawang pumalag ng isang dating sundalong pinaniniwalaang sangkot sa pamamaslang Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa noong Sabado ng umaga sa loob mismo ng kanyang tahanan.
Sa ulat ng Philippine National Police (PNP), kinilala ang ika-limang susek na si Osmundo Rivera, na dinakip ng pinagsanib na pwersa mula sa hanay ng pulisya, at Philippine Army sa Bayawan City nitong Linggo.
Bago pa man nadakip si Rivera, una nang nadakma sina Joric Labrador, Joven Aber at Benjie Rodriguez, habang isa pang suspek ang napatay ng mga pulis matapos ‘manlaban’ sa isinagawang follow-up operation sa Barangay Cansumalig, Bayawan City ng nasabing lalawigan.
Patuloy naman ang isinasagawang ‘tactical interrogation’ ng pulisya sa mga suspek na kasalukuyang nakapiit sa Camp Francisco Fernandez, sa hangaring matukoy ang utak sa likod ng pamamaslang.
Kabilang sa nakikitang motibo ng mga kaanak ng gobernador ang hidwaan sa pulitika.
Higit na kilala si Degamo sa kontrobersyal na desisyon ng Commission on Elections kaugnay ng nakaraang halalan noong Mayo ng nakalipas na taon.
Sa naturang halalan, tinalo si Degamo ni Pryde Henry Teves na nakakuha ng 296,897 boto laban sa pinakamalapit niyang katunggaling si Degamo na mayroon lang 277,462 boto para sa posisyon ng gobernador.
Gayunpaman, binaliktad ng Comelec ang resulta ng halalan pabor kay Degamo sa bisa ng petisyon nagsusulong sa diskwalipikasyon ng isang nuisance candidate sa pangalang Grego Gaudia na gumamit ng pangalang Ruel Degamo bilang alyas.
Pinalitan ni Degamo si Teves na nagsilbing gobernador sa loob lang ng apat na buwan.