November 11, 2024

saksipinas

Palaban, Walang Kinikilingan

BANTOG NA POLITIKO, UTAK SA DEGAMO SLAY?

NI EDWIN MORENO

PARA sa naulilang maybahay ni pinaslang na gobernador, malinaw na hidwaan sa pulitika ang motibo sa madugong insidenteng kumitil sa kanyang asawang si Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.

Sa isang panayam sa telebisyon, hayagang sinabi ni Mayor Janice Degamo na isang tanyag na personalidad ang nasa likod ng pagpaslang sa gobernador noong Sabado ng umaga sa loob mismo ng kanilang tahanan.

“Yes, pareho tayo nang iniisip. This man is very well known in the country today,” ayon sa alkalde byuda ng yumaong gobernador nang tanungin sa programang Kabayan ni former Vice President Noli De Castro kung magkatugma ang kanilang hinala.

Aniya, nasa loob din siya ng kanilang tahanan nang pasukin ng hindi bababa sa 10 armadong katao ang compound kung saan kausap ng gobernador ang mga residenteng humihingi ng tulong.

Kwento pa ng ginang, hindi agad pinapasok ng gwardya ang mga suspek na pawang armado ng mataas na kalibre ng baril. Gayunpaman, pwersahang itinulak ng mga suspek ang tarangkahan at agad ng pumasok.

“Kasi hindi niya pinatuloy… kaso tinulak ang door para pumasok sila, They forced themselves in kasi binuksan ng kaunti, tinignan kung sino yung nagna-knock,” wika ni alkaldeng asawa ng pinaslang na punong lalawigan.

“Parang very fast yung pangyayari. Lahat nangyari in 41 seconds lang… I feel bad kasi parang may security lapse na nangyari doon.”

Bago pa man ang pamamaslang, sunod-sunod na ang natatanggap na pagbabanta ng gobernador na inilarawan niyang suklam sa kultura ng karahasan.

“Negros Oriental is a very peaceful community tapos biglang ganito…Parang ang sama na talaga. We are afraid of becoming another Mindanao,” aniya pa.

Naganap ang pagpatay dalawang linggo matapos magdesisyon ang Korte Suprema na paboran ang resolusyon ng Commission on Elections (Comelec) na kumikilala kay Degamo bilang gobernador ng Negros Oriental.

Sa naurang pasya ng Korte Suprema, ibinasura ang petisyon inihain ni former Gov. Pryde Henry Teves laban sa Comelec.

Taong 2011 nang unang sumampa sa pwesto bilang punong lalawigan si Degamo bunsod ng magkasunod na pagpanaw nina dating gobernador Emilio Macias II at Agustin Perdices.

Samantala, isa sa apat na suspek na nasa ilalim ng kustodiya ng PNP ang napag-alamang dating bodyguard ng isang kongresista.