
DALAWA pa umanong miyembro ng Dawlah Islamiyah – Maute Group na sangkot sa pambobomba ng Mindanao State University (MSU) sa Marawi City ang inaresto ng pulisya, ayon sa report ng pulisya ngayong Huwebes.
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na ang mga suspect ay kinilalang sina “Maausor” at “Monatanda/Titing” at naaresto ng pulisya at militar sa Barangay Cabasaran, Lumbayanague sa Lanao del Sur noong Disyembre 9.
Nabatid na matapos ang pambobomba ay sa naturang lugar umano tumakbo at nagtayo si alyas Engineer.
Sinabi ni Fajardo na hinihinap pa ng pulisya ang dalawa pang katao.
Sina Maausor at Monatanda ay mayroon umanong warrants of arrest sa murder, ayon pa kay Fajardo.
Noong Disyembre 6, isa pang suspect na kinilalang si Jaafar Gamo Sultan alias Kulot, ay inaresto ng Task Force Marawi sa Barangay Dulay Proper, Marawi City.
Sinabi pa sa report na ang mga suspect ay nagplano ng pambobomba sa bahay ni Sultan. Si Sultan ay nahaharap sa kasong illegal possession of explosives at harboring a criminal.
Samantala, P1 milyon na pabuya ang ibibigay sa sinumang makapagbibigay ng impormasyon sa dalawa pang persons of interest (POIs) na nakita sa CCTV footage nang maganap ang insidente.
“Meron na rin pong P1 million reward na nailabas for the immediate identification nitong dalawang POIs natin (P1 million rewards is offered for the immediate identification of these two POIs),” sabi ni Fajardo.