TATLO katao ang iniulat na namatay sa dalawang oras na sunog na tumupok sa residential area sa Molo District bago magmadaling araw ng Sabado, Disyembre 16, sinabi ng pulisya.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, ang sunog ay sumiklab alas-4:42 ng madaling araw kung saan 50 bahay sa Zone 3, Barangay Habog-Habog Salvacion ang naapektuhan, ayon sa City Social Welfare and Development Office.
Karamihan sa mga bahay ay gawa sa light materials dahilan para sa mabilis na pagkalat ng apoy.
Umabot pa sa ikaapat na alarma ang sunog alas-5:02 ng umaga, ayon sa Bureau of Fire Protection.
Sinabi ng BFP na nakontrol ang sunog alas-5:53 ng umaga, pagkatapos ay idineklara ang fire out alas-6:59 ng umaga, ayon sa Iloilo City Operations Center.
Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng sunog.
