ARESTADO ang tatlong pulis sa pagnanakaw sa Barangay Tetuan, Zamboanga City nitong Sabado, Nobyembre 18.
Kinilala ang mga suspect na sina Police Lt. Ariel J. Fernandez, 43, nakatalaga sa Police Regional Office-Headquarters Support Unit; Police Senior Master Sgt. Alnajer A. Ynawat, 41, ng Zamboanga City Police Office Mobile Patrol Unit, at Patrolman Ryan R. Apostol, 31, ng 2nd Zamboanga Mobile Force Company.
Inaresto ang mga ito sa magkakahiwalay na operasyon sa Barangay Putik at Cabaluay, ng naturang lungsod.
Nabatid sa police report na pumasok ang anim na armadong kalalakihan sa bahay ni Al-Ghabid Umabong bandang 9:30 ng gabi noong Nobyembre 14.
Nagpakilala ang mga suspect na mga pulis at nagsilbi ng warrant of arrest kay Abdurajik Abdul, alias Maharlika Abdul, ama ng biktima.
Sinuyod ng mga ito ang mga kuwarto at tinangay ang P200,000 ng cash na nakalagay sa ibabaw ng drawer, dalawang vault na naglalaman ng P1.7 milyon at P200,000 na cash, at walong mobile phones.
Tumakas ang mga suspek sakay ng grey na sasakyan.
Kasunod nito, nagkasa ang pulisya ng hot-pursuit operations hanggang sa maaresto ang tatlong suspek.
Pinaghahanap pa ang ibang mga kasamahan nito.