
SA halip na masayang salu-salo, sa ospital bumagsak ang nasa 147 katao na karamihan ay mga batang estudyante na dumalo sa isang kasalan sa bayan ng Talakag, Bukidnon.
Isinugod sa iba’t ibang pagamutan matapos makaranas ng pagkahilo at pananakit ng tiyan dahil sa kinain umanong pansit na inihain sa kanila sa naturang okasyon nitong Sabado.
Sa ulat, karamihan sa mga biktima ng sinasabing “food poisoning” na nagmula sa Barangay Tagbak sa Talakag ay mga grade school pupils at mga kasapi ng mga etnikong tribo mula sa mga liblib na lugar.
Ilan sa mga pasyente ay mga residente ng bayan ng Lantapan sa naturang probinsya na hindi kalayuan sa Talakag.
Kinumpirma nitong Linggo ni Lantapan Mayor Ernie Devibar ang insidente kasabay ng kanyang pagtiyak na may ayuda mula sa kanilang lokal na pamahalaan ang mga biktimang taga-Barangay Kibangay na sakop ng kanilang bayan.
Ayon sa ulat nitong Linggo nina Renato Renz Sulatan, Jr., kasapi ng Sangguniang Bayan ng Talakag, at Barangay Tagbak Chairman Runnie Mhel Salungayan, nagpapagaling na ang mga pasyenteng biktima ng food poisoning sa iba’t ibang pagamutan.
Sinabi ni Sulatan nakasuwero ng intravenous fluids ang mga biktima dahil sa dehydration na epekto ng labis na pagsusuka at diarrhea sanhi ng kinaing kontaminadong pansit.