
NAKATAKDANG maghain ng kandidatura para sa posisyon ng gobernador sa lalawigan ng Batangas ang tinaguriang “Star for All Seasons” na si Vilma Santos-Recto.
Bukod kay Santos-Recto na mas kilala sa tawag na “Ate Vi,” inaasahan din ang paghahain ng Certificate of Candidacy (COC) ng anak na si Luis Manzano para naman sa posisyon ng bise-gobernador.
Ang binakanteng pwesto ni former Batangas Rep. at ngayo’y Finance Secretary Ralph Recto sa ika-anim na distrito ng lalawigan, target sungkutin ng bunsong anak na si Ryan Christian.
Kabilang sa nakikitang katunggali ni Santos-Recto sina Vice Mayor Jay Manalo Ilagan mula sa bayan ng Mataas na Kahoy at ang di umano’y gambling lord na kilala sa pangalang Mike Romantiko.
Bagamat liyamado si Ate Vi sa karera sa pwesto ng gobernador, pukpukan naman ang inaasahang tunggalian sa posisyon bilang bise-gobernador nina Luis Manzano at Batangas Gov. Dodo Mandanas na running mate di umano ni Ilagan.
Dati nang nagsilbing gobernador ng Batangas si Ate Vi.
Isang talunan naman ang makakatapat ni Ryan Christian sa pwesto ng kongresista sa ika-anim na distrito ng naturang lalawigan.