APAT ang nasawi matapos araruhin ng isang 10-wheeler dump truck ang sinasakyan ng mga biktima sa Barangay New Cabalan, Olongapo City.
Sinabi ng mga imbestigador na matinding tama sa ulo at katawan ang tinamo ng mga nasawi na sina Renz Tiu, Veronica Ng, Romnick Tiu, at Carlo Esguerra.
Galing umano ang mga ito sa wedding proposal ng kaanak nang araruhin ng truck. Hindi naman nasaktan ang driver ng truck na nasa kustodiya na ng pulisya.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng isang Toyota Camry (XPR 424), na minamaneho ni Tiu, at bumibiyahe patungong Olongapo City mula Mariveles, Bataan na dumalo sa wedding proposal ng kanilang kaanak.
Nang umabot ang sasakyan sa pakurbang bahagi ng zigzag road sa Jose Abad Santos Avenue, sumalpok sa kanila ang dump truck na minamaneho ni Domingo Faelanca Firmo, 56-anyos, ng Marilao, Bulacan.
Pumailalim ang sasakyan sa truck dahilan para maging pahirapan ang pagkuha sa katawan ng mga biktima.
Ayon kay Firmo, ang truck ay ginagamit sa mining operations sa Zambales at ibabalik na sana sa may-ari sa Manila.