
KINASUHAN na ang isang police major at tatlong sibilyan sa kaso ng nawawalang beauty pageant candidate, ayon sa Philippine National Police (PNP) ngayong Lunes, Nob. 13.
Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, kasong kidnapping at serious illegal detention ang iniharap sa prosecutor’s office laban kay Police Maj. Allan De Castro at kasama nitong si Jeffrey Magpantay.
Dalawang hindi pa kilala ang sinasabing sangkot din sa pagkawala ni Catherine Camilon.
Ipinaliwanag ni Fajardo na habang dalawang testigo na ang lumutang at sinasabing nakita ng mga ito ang isang duguang babae na bitbit mula sa isang sasakyan patungo sa pulang sasakyan, wala pa umanong kumpirmasyon kung patay o buhay pa si Camilon.
“Probably some of you might be asking why kidnapping and serious illegal detention were only filed. It’s because police have not seen anything, especially the corpus delicti to determine if she is still alive or not,” sabi ni Fajardo.
Posible pa umanong madagdagan ang kaso ng mga suspect habang gumugulong ang imbestigasyon.
Iniulat na nawawala si Camilon, kinatawan ng Tuy, Batangas sa Grand International 2023, noong Oktubre 12.
Isang kaibigan nito ang nagsabing nag-text sa kanya ang biktima at sinabing may kakatagpuin na sinasabing si de Castro.
Si Magpantay ay kinilala ng dalawang testigo na nagsabing bitbit ang duguang katawan ng biktima at inililipat mula sa Nissan Juke na pag-aari nito papunta sa isang pulang red Honda CRV.
Nabawi na ang Honda CRV at inaalam na ang may-ari nito sa tulong ng Land Transportation Office.
Sinabi pa na walang record ang sasakyan na nasangkot sa ibang kriminalidad.
Ibinunyag din ni Fajardo na ayon sa forensics investigators, nakakuha ng mga hibla ng buhok at dugo sa loob ng sasakyan.
Ang buhok at dugo ay tumutugma sa testimonya ng mga testigo na naunang nagtungo sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
“Our CIDG operatives are now coordinating with the family to get DNA samples that would be compared to the collected hair strands and possible blood stains,” sabi pa ni Fajardo.