Ni Romeo Allan Butuyan II
ALINSUNOD sa adhikain ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magkaroon ng programang magbibigay ng tulong pinansyal at murang bigas sa mga maralitang pamilya, mas pinalawak pa ang abot ng programang Cash and Rice Distribution (CARD) sa katimugang bahagi ng bansa — partikular sa lalawigan ng Bukidnon.
Ayon kay House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pumalo sa 3,000 benepisyaryo ang nabahagian ng tulong sa naturang probinsya.mula Bukdinon ang nakatanggap ng tulong.
Ayon sa House leaqder na pangunahing nagsusulong ng programa, ang CARD ay naglalayong mamahagi ng bigas at tulong pinansyal sa mga indigent Filipino sa bawat legislative districts ng bansa.
Ang naturang CARD Program sa Bukidnon ay ginaganap kasabay na rin ng pagdaraos ng Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF), na inisyatiba ng Pangulo.
“Mapalad ang Bukidnon dahil isa po kayo sa mga lugar na napiling pagdausan ng dalawang pinakabagong programa ng ating gobyerno — ang Bagong Pilipinas Serbisyo Fair at ang Cash and Rice Distribution o CARD Program,” ang pahayag ni Speaker Romualdez sa paglulunsad ng CARD program.
“Nabuo ang programang ito para tulungan naman ang ating Pangulong Marcos, Jr. na mabigyan ng mura at magandang klase ng bigas ang ating mga komunidad sa iba’t-ibang panig ng bansa,” dugtong pa niya.
Umagapay naman kay Romualdez sa pag-arangkada ng CARD sa probinsya sina Bukidnon Reps. Jonathan Keith Flores at Laarni Lavin Roque, Gov. Neil Roque, at Davao de Oro Rep. Maria Carmen Zamora.
Sa pagdating ng CARD program sa Bukidnon, 3,000 benepisyaryo ang natulungan. Una nang inilusad ang CARD sa 33 distrito sa Metro Manila na may tig-10,000 benepisyaryo o kabuuang 330,000 na residente.
Mayroon ding 5,000 residente ng Biñan at Sta. Rosa Cities sa Laguna ang natulungan ng CARD. Ang DSWD ang tumutukoy sa mga benepisyaryo.
Sa ilalim ng programa, kada benepisyaryo na kinabibilangan ng senior citizens, PWDs, solo parents and IPs – ay makakatanggap ng hindi bababa sa P2,000 na halaga ng tulong pinansyal at rice assistance na kinabibilangan ng isang sako ng 25-kilogram na bigas at P1,000 cash para pambili ng iba pang pagkain.
Bahagi rin ng CARD program ang patatayo ng mga booth kung saan makakabili ng mas murang bigas.
“Alam natin na buong mundo ang nahihirapan sa pagtaas ng presyo ng bilihin dahil sa global inflation na dala ng mga digmaan sa Middle East. Dahil dito, hindi ganoon kadali para sa pamahalaan na mapapababa ang presyo ng bigas dito sa atin sa Pilipinas,” paliwanag ni Speaker Romualdez
“Gayunpaman, sinikap nating humanap ng paraan kung paano makatulong para mapagaan ang buhay ng ating mga kababayan sa harap ng pagtaas ng presyo ng bigas at iba pang bilihin,” saad pa nito.
Magkatuwang na binuo ang CARD program ng Kamara de Representantes at ni DSWD Sec. Rex Gatchalian.
Katulad ng BPSF, tiniyak ni Romualdez na iikot rin ang CARD program sa buong bansa para serbisyuhan ang 250 congressional districts na may 10,000 benepeisyaryo kada distrito o kabuuang 2.5 milyong indigent at vulnerable na mga Pilipino