SA kabila ng umiiral na Ramadan, apat na sundalo ang patay sa pananambang ng mga armadong indibidwal na miyembro ng Daulah Islamiyah terrorist group sa bayan ng Datu Hoffer, sa Maguindanao del Sur.
Sa ulat na pinadala sa punong himpilan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ni Major Gen. Alex Rillera na tumatayong commander ng Army’s 6th Infantry Division (ID) at Joint Task Force (JTF) Central, dakong alas 10:00 ng umaga kahapon nang maganap ang insidente – sa panahong inoobserbahan ng mga Muslim ang Ramadan.
Para kay Rillera, karumal-dumal ang insidente ng pagpatay sa apat na sundalong ayon sa kanya ay pawang wala sa combat mission.
“Walang kalaban laban ang mga tropa ng sundalo ng paslangin ang mga ito habang sakay sa isang sibilyan na sasakyan pabalik sa kanilang patrol base. Kinokondena natin sa pinakamataas na antas ang pagpatay sa ating tropa,” ayon sa heneral.
Nang tanungin kung sino-sino ang mga namatay na sundalo, tanging tugon lang ni Rillera ay ang mga ranggo ng mga biktima – dalawang Private, isang Private First Class at isang Corporal.
Ayon kay Rillera, galing sa kabayanan ang mga sundalo at namili ng mga tinaguriang ‘iftar’ o ang pagkain ng mga nag-aayuno matapos na lumubog ang araw. Plano anniya ng mga sundalo ipamigay ang pinamili sa Muslim community hindi kalayuan sa patrol base ng mga sundalo.
Patuloy naman ang pagtugis sa mga suspek.
