Ni LILY REYES
BAGAMAT nasa pinakamababang antas ng alerto, niyanig ng sunod-sunod na lindol ang ilang barangay na malapit sa Bulkang Bulusan sa lalawigan ng Sorsogon.
Ayon sa pinakahuling bulletin na inilabas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), umabot sa 43 volcanic earthquakes ang naitala sa nakalipas na 24 oras.
Paglilinaw ng Phivolcs, nananatili sa Alert Level 1 ang naturang bulkan.
Samantala, wala naman nakikitang anumang dahilan para mabahala ang mga residente malapit sa mga bulkang Kanlaon, Mayon at Taal – na pawang kalmado ayon sa Phivolcs.
Sa datos ng nabanggit na ahensya, walang naitalang volcanic earthquake mula sa Bulkang Kanlaon na nasa Alert Level 1 din.
Dalawang volcanic earthquake naman ang naramdaman sa Bulkang Mayon at patuloy ang pagbuga nito ng sulfur dioxide subalit pinanatili pa rin ng Phivolcs sa Alert Level 2 dahil sa pagbaba ng aktibidad nito.
