ISANG linggo matapos ang malagim na pagguho ng lupa sa bayan ng Maco lalawigan ng Davao de Oro, pumalo na sa 63 ang kabuuang bilang ng mga nasawing indibidwal na pawang mga manggagawa ng Apex Mining.
Batay sa pinakahuling ulat ni Randy Loy ng Davao de Oro provincial disaster office, 19 pang iba ang natagpuan sa ilalim ng pinaghalong lupa at batong tumabon sa timog na bahagi ng kabundukan sa Barangay Masara noong Martes ng gabi, Pebrero 6.
Sa datos ng lokal na pamahalaan ng Maco, may 63 na iba pa ang patuloy na hinahanap ng pinagsanib na search and rescue teams mula sa iba’t ibang sangay at tanggapan ng pamahalaan.
Bukod sa mga nasawi, kabilang rin sa mga apektado ang nasa 55 pamilyang nawalan ng kani-kanilang bahay malapit sa lugar kung saan nakagarahe ang mga bus na gamit ng mga minero papunta sa minahan at pauwi pagkatapos ng trabaho.
Sa pinakahuling bilang ng otoridad, 32 ang nananatili sa pagamutan bunsod ng pinsalang dulot ng insidente malapit sa minahan ng ginto.
