MATAPOS magviral ang video ng isang bata sa insulated delivery box na nakakabit sa motor, kastigong 90-day suspension ang ipinataw sa rider ng Land Transportation Office (LTO).
Bukod sa suspensyon sa lisensya, nagpalabas na rin ng show-cause order LTO – Intelligence and Investigation Division (IID) sa hindi pinangalanang rider kaugnay ng insidente.
Sa kalatas ng LTO, inaasahan ang paglutang ng delivery rider sa Lunes (Marso 6).
Ayon kay LTO-IID Officer-in-Charge Renan Melitante, bibigyan ng pagkakataon ang rider na ipaliwanag ang kanyang panig at sagutin ang alegasyon at mga nakaambang kasong administratibo.
Inatasan din ang rider na dalhin ang kanyang motorsiklo sa LTO para sumalang sa inspeksyon ng Motor Vehicle Inspection Center. Para tiyakin sisipot ang rider, inilagay na rin ng LTO sa alarma ang motorsiklo.
Paalala ni Militante sa rider, nangangahulugan ng pagsuko ng kanyang karapatan ang hindi pagdalo sa patawag ng ahensya, batay na rin sa mga umiiral na batas at reglamento.
“Nauunawaan natin ang pangangailangan na kumita pero hindi dapat makalimutan na mas mahalagang ikonsidera ang kaligtasan at disiplina sa kalsada, lalo na kung ang maaaring manganib ay ang buhay ng isang inosenteng bata,” maikling pahayag ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade.