HAWAK na ng awtoridad ang 81-anyos na lalaking pinaniniwalaang pumatay sa kanyang misis kaninang madaling araw sa bayan ng Cainta sa lalawigan ng Rizal.
Ayon sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, dakong 12:30 ng madaling araw nangyari ang pagpatay sa 80-anyos na lola sa loob ng kanilang bahay sa Marick Subdivision ng nasabing lugar.
Nagising umano ang anak na natutulog sa ikalawang palapag ng kanilang bahay matapos marinig ang pagsigaw at paghingi ng saklolo ng kanyang inang kinilala lang sa pangalang Marieta.
Nang alamin kung ano ang nangyari, tumambad sa kanya ang kanyang inang may saksak sa leeg habang hawak-hawak naman ng suspek ang kutsilyong ginamit sa krimen.
Dahil dito, mabilis na siyang humingi ng tulong sa mga awtoridad na nagresulta sa pagkakaaresto ng kanyang ama.
Umani naman ng pagpuna sa ilang mamamahayag ang imbestigador ng kaso — gayundin ang hepe ng lokal na pulisya sa anila’y tila “pagtatakip” sa detalye ng krimen.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek na nahaharap sa kasong parricide sa Cainta Municipal Police Station. (Edwin Moreno)
