Oplus_131072
NANANATILING banta sa kinabukasan ng mga kabataan ang salot na droga. Sa isang operasyon na ikinasa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa baybaying bayan ng Binangonan sa lalawigan ng Rizal, tumambad ang isang laboratoryo at sandamakmak na sangkap sa paggawa ng shabu.
Sa impormasyong nakalap ng Saksi Pinas, dakong alas 11:40 kagabi nang salakayin ng pinagsanib na pwersa ng PDEA at Rizal provincial police (sa bisa ng isang search warrant) ang isang bahay sa Barangay Macamot.
Pagpasok sa target na bahay, tumambad ang isang laboratoryo at mga kemikal na ginagamit sa paggawa ng droga — pero walang inabutan maski isang suspek.
Sa isang eksklusibong panayam, partikular na tinukoy ni Rizal provincial police director Col. Feloteo Gonzalgo ang tatlong indibidwal na isasailalim sa mas malalim na imbestigasyon — isang nagngangalang John Marco Canilas Abano na nangungupahan sa sinalakay na bahay, isang nagngangalang Analisa Lirio na umano’y caretaker ng paupahan at ang mismong may-ari ng bahay na si Laarni dela Cruz.
Sa imbentaryo, kabilang sa mga narekober ang 80 galon na kargado ng likidong pinaniniwalaang controlled precursors. Pasok din sa talaan ng mga sinamsam sa operasyon ang 25 botelya ng tinatawag na molasses, limang plastic container ng kemikal, 10 kilo ng ephedrine, at sako-sakong “white crystalline substance, mga aparato at drug paraphernalia.
Sa paunang pagsusuri, kumpirmadong shabu ang 10 kilong crystalline substance na isinalang sa forensic testing.
Paniwala ng awtoridad, organisadong sindikatong pinapatakbo ng mga dayuhan ang nasa likod ng laboratoryo. (Edwin Moreno)
