KALABOSO ang siyam na Chinese nationals na dinatnan ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) matapos salakayin ang isang illegal POGO hub sa Mandaue City sa lalawigan ng Cebu.
Partikular na sinalakay ng CIDG ang establisyemento sa Silversea Subd., Barangay Alang-alang kung saan naaresto ang mga Chinese nationals na kinilalang sina alyas Cai, Lei, Wei, Tawei, Shiao, Ye, Ying, Lu at Yin na ayon sa CIDG.
Bistado rin sa naturang pagsalakay ng CIDG Mandaue Field Unit ang operasyon ng isang scam hub na umano’y nambibiktima sa mga Pinoy. Bukod sa scam hub, sangkot din umano sa human trafficking ang mga dayuhang suspek na pawang iligal ang pananatili sa Pilipinas.
Samantala, nasagip din sa naturang pagsalakay ang mga Pinoy na umano’y ikinulong sa establisyemento kung saan sila pwersahang pinagtatrabaho.
Hawak na din ng pulisya ang mga gadgets na pinaniniwalaang gamit sa panloloko. (EDWIN MORENO)
